Hari ng bukid, Bayani ng ating bayan: TATAK MAGSASAKA
(by Shekinah Peridas  11/24/2016)

We only need a doctor at least once a year, an engineer once or twice a lifetime, a teacher for every school year, but we need a farmer every day to produce rice.

Ang mga magsasaka ang tinaguriang "Hari ng bukid, Bayani ng ating bayan," dahil malaking bahagi ng kalupaan ay nakalaan pa rin sa pagsasaka at nakatutulong ang pagsasaka sa lipunan dahil nagagawa nitong punan ang isa sa pinakamalalaking demand sa mundo: ang pagkain.

Hindi mawawalan ng demand para sa pagkain, at dahil dito, nagkakaroon ng pagkakataon ang mga magsasaka na makatulong sa paglago ng ekonomiya.

Ito ang naging puso ng mga opisyales ng Municipalidad ng Lupao - Departamento ng Agrikultura sa pangunguna ni Municipal Agricuturist Johanna S. Mariano katuwang ang tagapangulo ng Lupao Vegetable Growers Association na si Henry V. Ramos upang itaguyod ang kauna-unahang "Agri Trade Fair and Farmers Forum" sa Municipalidad ng Lupao, Nueva Ecija.

Idinaos ang programa sa Umali Gym, Municipal Town Hall ng Lupao sa ganap na ika-10 ng umaga taong kasalukuyan na may temang "Sigla ng Agrikultura, Ibalik sa Magsasaka."

Layunin ng programang ito na patatagin ang samahan ng mga magsasaka sa ating lugar at bigyan ng boses ang mamamayan kabilang ang mga magsasaka sa pagbibigay ng suhesyon, ideya at plano ukol sa pagpapaunlad ng ating sariling agrikultura at makilala ang produkto ng bayan pagdating sa prutas at gulay.

Sinimulan ang programa sa isang panalangin na pinangunahan ni Mr. Rustico Cortes at Mrs. Premelyn P. Escobar para sa Pambansang Awit, sinundan naman ng isang malugod na pagtanggap sa mga panauhin, kawani at mga nakiisang mamamayan na ibinigay ni Johanna S. Mariano.

Binigyan rin ng pagkakataon ang ilang bisita kabilang si John Regala, batikang aktor at successful seed producer na nakapagtayo ng kumpanya para sa mahihirap na magsasaka o kilala sa "John Regala Agro Technology Training Center" na makapagbahagi ng kanyang kaalaman at katagumpayan pagdating sa aspeto ng pagsasaka at pang-agrikultura.

Ayon kay Hon. Vitaliano S. Balucanag Jr., SBM/Agriculture Committee "Ang produktong gulay at prutas ang siyang pinagkakakitaan ng ating bayan."

Ibinahagi rin ni Mrs. Noeme Marquez, HVCDP-Coordinator na ang bayan ng Lupao ang may pinakamaraming ibinibigay na gulay at prutas.

Hayag naman ni Munucipal Administrator Rino R. Valdez na sa kanyang muling pagbabalik sa susunod na taon, hindi man bilang isang administrador, kundi bilang isang mamamayan na patuloy na maaasahan ng taong bayan ang kanyang pagbibigay ng tulong sa ganitong mga gawain.

"Hindi nahuhuli ang Lupao, nakalinya at may direksyon tayo. Kailangan lang nating magsumikap at magtulungan" dagdag pa niya.

Dinaluhan ito ng ilang asusasyon kasama ang Lupao Vegetable Growers Association, Parista Barangay Defense System Multi-Purpose Cooperative, Pao Producers Cooperative ng San Antonio Weste, Samahan ng mga Mahihirap na Magsasaka, St. Anthony Credit Cooperative ng San Antonio Este, Barangay West Multi-Purpose Cooperative ng Poblacion West, Malvar Irrigators Association ng Alalay Grande, San Antonio Weste Small Water Impounding System Association, Magandang Buhay San Isidro Farmer's Association at Cordero SSIS-FFS Active Farmers Association.

Matagumpay at mapayapang natapos ang programa at aasahan na sa susunod na Agri Trade Fair and Farmer's Forum, mas lalawak pa ito at magkakaroon ng patuloy na progresibo ang mga magsasaka ng ating bayan.




See more News